A Free Spirited Life

My photo
Marilao, Bulacan, Philippines
A written translation of what my 1.46kg thing in my head says about the different aspects of life.
Showing posts with label elections. Show all posts
Showing posts with label elections. Show all posts

Tuesday, May 4, 2010

Anong magagawa natin?

Isang malaking tanong ang pumukaw ng aking pag-iisip. Ano ito? Ito ang malaking tanong na tinutukoy ko. “Anong magagawa natin?” Ikaw ba, naisip mo na ito? Hindi ba at napapanahon ito lalong lalo na ngayon at eleksyon dito sa Pilipinas.

Kung ako ang tatanungin, ang maisasagot ko ay OO NAMAN. Bakit? Ang mga sumusunod na talata ay magpapahayag ng aking damdamin hindi lamang sa nalalapit na eleksyon kung hindi sa pangkalahatang kalagayan ng ating buhay bilang Pilipino.

Unang una, mas maganda kung gamitin natin ng tama ang karapatan natin bilang Pilipino dahil mayroon tayong magagawa para sa pagbabago ng ating bansa patungo sa kaunlaran nito. Ano? Ang maging rehistradong botante ay isa sa malaking hakbang na dapat ay nagawa ng bawat Pilipinong maari nang makilahok sa nalalapit na eleksyon. Sabi nga ng patalastas ng isang pahayagan, “Wala kang karapatang magreklamo kung hindi ka boboto”. Naniniwala ako dun sapagkat mayroon kang karapatang bumoto ngunit hindi mo ito ginamit. At ang kauna unahang hakbang ay maging rehistradong botante.

Ang ikalawa naman ay wag sana tayong maging negatibo sa mga bagay bagay. Kung ang iyong pananaw sa buhay ay wala na tayong magagawa, mabuti pa ay sarilinin mo na lamang iyan at baka makahawa ka pa. Maaring ang Pilipinas ay isang third world country SA NGAYON ngunit hindi mo maitatanggi na tayong mga Pilipino ay sadyang maabilidad kung kaya tayo ay hinahangaan sa buong mundo. Ang maliliit na hakbang patungo sa pag-unlad ay hindi masama. Dahil kung dadami ang taong gumagawa ng maliliit na bagay na iyan, malamang bukas ay isa nang malaking hakbang ang iuunlad ng Pilipinas.

Ang ikatlo at huling punto na gusto kong ipahayag ay kung gusto nating tumulong, tumulong ka na lang. Huwag mo nang punahin ang mga pagkakamali ng ibang tao. Kung nakita mo siyang nagkamali ngunit gumawa siya ng paraan upang makabawi sa kanyang pagkakamali, tigilan mo na. Bakit hindi tayo magtulong tulong para magawa ang dapat gawin nang sa ganun at tuloy tuloy ang pagsulong ng ating bansa.

Nirerespeto ko ang desisyon ng lahat ng tao. Nirerespeto ko ang kanilang dahilan. Ngunit kung ang dahilan ng tao ay “wala lang”, hindi ba’t nakakalungkot iyon dahil isa itong senyales na naiimpluwensyahan lang ang tao sa kanyang desisyon at hindi siya nakakagawa ng desisyon ayon sa kanyang paniniwala at paninindigan.

Ang mahalagang desisyon na ating gagawin sa ika-10 ng Mayo ay isang desisyon kung saan nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa. Gusto kong ulitin na sa araw na iyon, ito na ang ating pagkakataon upang maging boss at mamili ng isang tao na gusto nating manilbihan ng tapat at ibibigay ang buong puso upang maglingkod sa Pilipinas. Ngunit hindi ba’t nararapat naman na maging patas tayo sa pagpili at kilalanin natin ang bawat kandidato upang mabigyan sila ng pantay pantay na pagkakataong mamuno.

Be assertive. Be positive. Be pro-active.